Hindi masabi ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque ang tunay na halaga ng 600,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines na donasyon ng China sa Pilipinas.
Ayon kay Roque, hindi puwedeng ma-quantify in money terms ang mga donasyong bakuna, dahil ang nais lamang aniya ng China ay mabakunahan na ang mga Pilipino laban sa COVID-19.
Sinabi pa ng kalihim na maituturing na “unquantifiable” ang donasyong Sinovac vaccines, sapagkat nagbibigay ito ng pag-asa dahil matatapos na ang higit isang taong paghihinagpis at pagdurusa mula sa pandemic.
Matatandaang kahapon, sinalubong pa ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang pagdating ng mga donasyong bakuna mula sa China kung saan ngayong araw ay sinimulan nang iturok ang Sinovac sa ilang mga medical health workers mula sa UP Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, Dr. Jose Rodriguez Memorial Medical Center, Veteran’s Memorial Medical Center at sa Philippine National Police General Hospital.