Umakyat na sa 2.3 bilyong piso ang halaga ng pinsala na iniwan sa sektor ng agrikultura ng Bagyong Agaton.
Base sa inilabas na ulat ng Department of Agriculture (DA), nasa mahigit 54,000 na magsasaka at mangingisda ang apektado sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSARGEN at Caraga Region.
Aabot naman sa 25,600 ektarya ng agricultural areas ang nasira ng bagyo at mahigit 70,000 metric tons naman ang production loss.
Kabilang sa mga naapektuhan ay ang mga pananim na palay mais, at mga high value crops.
Asahan pang tataas ang halaga ng pinsala habang nagsasagawa pa ng assessment ang DA-DRRM Operations Center.
Sa ngayon, nakahanda na ang 715.4 milyon pisong pondo ng DA para tulungan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda.