Cauayan City,Isabela- Aabot sa mahigit P1.7 milyon na halaga pinsala sa livestock ang naitala sa Cagayan matapos manalasa ang bagyong Maring.
Inihayag ni Dr. Myka Ponce, ang Veterinarian II ng Provincial Veterinary Office (PVET) na pawang mga alagang hayop ng mga magsasaka ang naapektuhan dahil sa malawakang pagbaha.
Kabilang ang mga alagang kambing,kalabaw, baka, pato at manok ang nangamatay mula sa mga bayan ng Alcala, Baggao, Buguey, Camalaniugan, Gattaran, Gonzaga, Lal-lo, Peñablanca, Sta. Teresita, Sta. Ana Sto. Nino, at Tuao.
Habang naitala naman ang nasa mahigit 400 piraso ng alagang manok ang namatay sa pagkalunod sa tubig baha sa bayan ng Aparri.
Samantala, nilinaw ni Dr. Ponce na ang mga hindi nabanggit na mga bayan at lungsod ay hindi pa umano nakapagsumite ng kanilang ulat ng pinsala dulot ng bagyong Maring.
Gayunman, ang bayan ng Ballesteros, Enrile at Sta. Praxedes ay walang naiulat na napinsalang mga alagang hayop hanggang sa kasalukuyan.
Tiniyak naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na tutulungan ang mga apektadong magsasaka matapos ang pinsalang dulot ng bagyo.