Lumobo na sa P898.4 million ang inisyal na halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ng epekto ng habagat na pinaigting ng Bagyong Goring at Hanna.
Ayon sa Department of Agriculture (DA)-DRRM Operations Center, nasa 24,457 ang bilang ng mga magsasaka na naapektuhan, habang nasa 39,011 metric tons ang nasirang produksyon, at 34,979 na ektaryang lupain ang napinsala.
Ito ay batay sa updated reports na mula sa DA Regional Field Offices sa Cagayan Valley at Western Visayas.
Kabilang sa mga lubhang napinsala ay ang palay, mais at mga high value crops, livestock at poultry.
Tiniyak naman ng DA na may nakahandang ayuda ang kagawaran para sa mga apektadong magsasaka.
Kabilang dito ang P100 milyong halaga ng binhi ng palay, mais at mga assorted vegetable seed.
Magkakaloob din ang DA ng mga gamot para sa livestock at poultry at iba pang ayuda sa ilalim ng Quick Reaction Fund ng DA.
Pinapayuhan naman ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng DA para makakuha ng ayuda.