Magiging matatag ang halaga ng piso kontra dolyar pagsapit ng huling quarter ng taon.
Ito ang inaasahan ng National Economic Development Authority o NEDA.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni NEDA Asec. Sarah Daway Ducanes na inaasahan kasi na mas magiging masigla ang pagdating ng remittances ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) para sa kanilang mga pamilya rito sa Pilipinas kasabay ng panahon ng Pasko o holiday season.
Ayon pa kay Ducanes na dalawang bagay lang naman ang dulot ng patuloy na pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar.
Ito ay ang pagiging winner o panalo at losser o pagkatalo.
Paliwanag ni Ducanes, maituturing na winner ang mga nakatatanggap ng remittances mula sa abroad kapag bumagsak ang halaga ng piso laban sa dolyar.
Batay sa record ng NEDA, mayroon aniyang 20% na households dito sa bansa ang nakikinabang sa remittances.
May garantiya rin aniya sa humihinang piso kontra dolyar ang exporting sector dahil nagmumura ang halaga ng produkto na gawang Pilipinas pag dating sa ibang bansa.
Panalo rin aniya ang lokal na industriya na gumagawa ng mga produkto na kakumpitensiya ng imported goods sa lokal na merkado.
Maituturing naman aniyang losser o talo ang mga importer dahil mas nagmamahal ang imported goods na siyang nakaaapekto sa galaw ng inflation.