Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na nasa P461.8 milyon na ang halaga ng payout ang naipamahagi ng ahensya para sa kanilang Service Contracting Program (SCP).
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, ang nasabing halaga ay batay sa kanilang datos kahapon, May 25.
Anya kasama sa kabuuang halaga ng payout na naibigay sa bawat drayber sa ilalim ng programa ang initial payout na P4,000 weekly payout, at one-time incentive na nagkakahalaga ng P25,000.
Maliban dito anya, maaring makatanggap ng dagdag na P7,000 ang mga public utility vehicle (PUV) drivers na kasali sa programa kung sila ay maglolog-in sa Systems App ng limang araw sa loob ng isang linggo.
Sa huling tala naman anya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 12,371 drivers na ang nakakuha ng initial payout at 2,933 drivers naman ang nakatanggap na ng kanilang P25,000 onboarding incentive sa buong bansa.
Ang LTFRB ay katuwang ng DOTr sa pagpapatupad ng SCP.