Manila, Philippines – Hinimok ng oposisyon si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na tumakbo sa pagka-senador sa 2019.
Ang reaksyon kay Morales ay kasunod ng pahayag nito na ipauubaya na lamang niya ang natitirang batch ng pork barrel cases sa susunod na Ombudsman na appointee na ni Pangulong Duterte.
Giit ni Akbayan Representative Tom Villarin, maaaring mabalewala ang ilang taon na trinabaho ni Carpio-Morales para mapanagot ang mga nasa likod ng pork barrel scam kung ito ay iiwan lamang sa susunod na kapalit nito sa Ombudsman.
Aniya, hindi maitutulak ang mga kaso dahil wala namang balak ang Duterte Administration na papanagutin ang mga sangkot sa PDAF scam at kung tutuusin ay napalaya na ang ilang sangkot dito.
Maaari aniyang maipagpatuloy ni Carpio-Morales ang kanyang paglaban sa katiwalian at korapsyon kung tatakbo ito sa pagkasenador.
Naniniwala si Villarin na ang mga katulad ni Carpio-Morales na may integridad, independence at tapang ang kailangan sa gobyerno.