Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang publiko sa mga pagtitipon na gawing ekslusibo lang ito para sa pamilya ngayong holiday season.
Una rito, inabisuhan ng Department of Health (DOH) ang mga pamilya na mahigpit na sundin ang health protocols kung may balak silang magkasa ng halloween parties at trick or treat na tradisyunal na idinaraos bago ang Undas kung saan dapat iwasan ang mag-imbita ng mga bisita na hindi miyembro ng pamilya dahil posibleng magkaroon ng hawaan ng COVID-19.
Kaugnay nito, pinapayuhan ni Eleazar ang publiko na ipagpaliban muna sana ito o kaya naman ay gawing limitado sa mga sariling tahanan dahil baka sa halip na trick or treat ay mauwi ito sa trip and treatment sa ospital kapag nahawa ang mga bata lalo na’t wala pa silang bakuna.
Kasunod nito, binalaan ni Eleazar ang mga establisyemento na sundin ang mga patakaran dahil kung hindi ay siguradong mapapasara ang kanilang negosyo.
Matatandaan na una ng sinalakay ng mga lokal na opisyal ang isang bar sa Makati City nang makatanggap ng impormasyon na binabalewala ang mga health protocol at curfew hours kung saan, hindi rin nasunod ng bar ang itinakdang kapasidad at lumabas na wala rin itong permit.
Humigit kumulang 200 ang nabigyan ng ticket dahil sa kanilang paglabag ngayong nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang Oktubre 31.
Sa huli, sinabi ni Eleazar na patuloy ang gagawing pagbabantay ng pulisya sa bawat komunidad para masigurong naipapatupad ang health protocols gayundin ang kapayapaan at kaayusan.