Halos ₱900 million standby funds at mga family food packs, nakahanda nang ipamahagi ng DSWD – NDRRMC

Aabot sa halos ₱900 million standby funds at mga family food packs ang handa nang ipamahagi anumang oras para dalhin sa mga pamilyang lubhang apektado ng pananalasa Bagyong Quinta.

Sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Usec. Ricardo Jalad, ang standby funds at mga family food packs ay inihanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office, Field Offices at National Resource Operation Center para sa relief operations.

Batay sa huling monitoring ng NDRRMC mayroong 2, 823 families ang apektado ng bagyo sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Cordillera Administrative Region (CAR).


Sa bilang ng mga apektadong pamilya 1, 493 ay nananatili ngayon sa 68 mga evacuation centers habang 968 families ay nakituloy sa kanilang mga kaanak.

Namonitor din ng NDRRMC ang 11 insidente ng pagbaha sa Laguna, Camarines Sur, Negros Occidental, Samar at Apayao habang pitong insidente ng landslide o pagguho ng lupa ang kanilang na-monitor din sa Laguna, Aklan, Samar at Apayao.

May 33 kalsada rin ang hindi madaanan matapos na mabuwal ang mga puno dahil sa lakas ng hangin dulot ng bagyo sa Cagayan, Laguna, Rizal, Camarines Sur, Masbate, Catanduanes at Apayao.

Sa ngayon ay naglagay na ng warning signal ang mga taga DPWH sa mga hindi madaanang kalsada upang iwas disgrasya sa mga motorist.

Nagpapatuloy rin ang monitoring ng NDRRMC sa mga lugar na patuloy na nakakaranas ng sama ng panahon dahil sa Bagyong Quinta para agad mabigyan ayuda ang mga lubhang apektado.

Facebook Comments