Posibleng mas mataas pa ng anim hanggang 15 beses ang kabuuang COVID-19 case sa National Capital Region (NCR) kumpara sa daily case bulletin ng Department of Health (DOH).
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, ibinatay nila ito sa isinagawang random antigen testing ng Department of Transportation sa mga pasahero ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit noong Enero 12 at 13 kung saan 12.4 porsiyento ng mga nasuri ay nagpositibo sa virus.
Kung mayroon aniyang 14 milyon na populasyon ang NCR, nasa 1.04 hanggang 2.44 milyon ang nagpositibo sa COVID noong Enero 13 pa lamang.
Nauna nang sinabi ni David na bumaba na sa negative 1% ang naitatalang daily growth rate ng kaso sa Metro Manila mula sa 15% noong mga nakalipas na linggo.
Gayunman, hindi pa aniya maaaring magdiwang ang mga taga-Metro Manila dahil nasa peak o rurok pa tayo ng COVID-19 cases.