Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa isang daang kilo ng mga frozen meats gaya ng tocino, siomai, mga longganisa at iba pang frozen foods ang nasabat sa checkpoint ng Taskforce African Swine Fever sa Lungsod ng Ilagan sa pangunguna ni City Agriculture Officer Moises Alamo katuwang ang PNP Ilagan.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret. PBGen. Jimmy Rivera, ang Commander ng Task Force Oink Oink, ang mga nakumpiskang mahigit walumpung (80) karton ng processed foods ay sakay ng Dalin Liner at EMC ay galing sa Metro Manila at dadalhin sana sa ilang bayan sa Isabela at Cagayan subalit naharang ang mga ito sa naturang checkpoint.
Sa inisyal na pagsusuri at imbestigasyon, lumalabas na may mga permit ang mga karne subalit isinakay lamang sa mga bus at walang kaukulang permit para i-byahe ang mga ito kaya’t kinumpiska ng mga awtoridad.
Sa ngayon ay inaantay na lamang ang mga doctor ng hayop mula sa national meat inspection services para sa kaukulang pagsusuri at maaaring anumang oras mula ngayon ay nakatakdang ibaon sa lupa ang mga nakumpiskang karne.
Ayon pa kay Rivera, simula ngayon araw ay isasama na rin nilang iinspeksyonin ang mga pampasaherong mga sasakyan gaya ng mga bus na maaaring gamitin upang ideliver ang mga karne mula sa ibang lugar.
Ayon naman sa pahayag ni Ginoong Paul Bacungan, ang Information Officer ng City of Ilagan, mas lalong maghihigpit ang kanilang binuong task Force ng Pamahalaang Panlungsod kontra ASF upang matiyak na hindi makakapasok ang anumang uri ng mga karne o frozen foods na maaaring kontaminado ng nasabing sakit.