Halos 1,000 paaralan sa bansa, ipagpapaliban ang pagsisimula ng klase bukas, July 29 —DepEd

Halos 1,000 public school sa bansa ang ipagpapaliban ang pagsisimula ng klase na nakatakda bukas, July 29, 2024.

Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), as of 2:30 PM, 979 na paaralan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang postpone ang pagbubukas ng School Year (SY) 2024-2025.

Kinabibilangan ito ng 452 na pampublikong eskwelahan mula sa Region III, 231 mula Region I, 225 mula sa National Capital Region, 67 mula sa Region IV-A at 4 mula sa Region XII.


Ayon sa DepEd, ang pagpapaliban sa klase ay upang bigyang daan ang paglilinis at rehabilitasyon sa mga paaralan na naapektuhan ng Bagyong Carina at Habagat.

Sa ngayon, patuloy naman na bineberipika ng DepEd Regional Offices ang mga paaralan na hindi talaga makapagsisimula ng klase bukas.

Samantala, batay sa enrollment monitoring ng DepEd, umaabot na sa 19,268,747 ang nag-enroll na mga mag-aaral para sa SY 2024-2025.

Inaasahan naman ng kagawaran na dadami pa ang mga enrollee sa mga susunod na araw dahil marami pa rin umanong humahabol mag-enroll matapos magsimula ang pasukan.

Facebook Comments