
Mahigpit ang direktiba ng Department of Education (DepEd) sa mga school division office na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga local government unit at disaster risk reduction and management councils bilang paghahanda sa Bagyong Uwan.
Ayon sa DepEd, nasa 12,747 paaralan ang pinangangambahang maapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa lawak ng pag-ulan na dulot ng bagyo.
Kaya’t mahalaga, ayon sa DepEd, na masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at guro sa sandaling tumama ang malakas na bagyo.
Pinagagana na rin ng Education Department ang School Disaster Risk Reduction and Management (SDRRM) teams at contingency plans para paghandaan ang pagbaha, landslide, at storm surges.
Inatasan din ng DepEd ang mga school division office na ilagay sa ligtas na lugar ang mga learning materials at equipment, ihanda ang emergency supplies at resources, at ipagbigay-alam ang lahat ng insidente sa pamamagitan ng Incident Management Reporting System (IMRS).









