HALOS 190K NA VOTER REGISTRANTS SA ILOCOS REGION, NAITALA NG COMELEC; PANGASINAN, NANGUNA SA MAY PINAKAMARAMING NAI-REHISTRONG INDIBIDWAL

Nakapagtala ang Commission on Elections (COMELEC) ng tinatayang 190,000 na bagong registrants sa Ilocos Region sa isinagawang puspusang voter’s registration.
Batay sa datos ng COMELEC Regional Office I, nasa kabuuang 189,785 voter registrants ang naitala mula sa apat na lalawigan ng Rehiyon Uno mula Disyembre 12, 2022 hanggang Enero 31 ngayong taon kung saan ang lalawigan ng Pangasinan ay mayroong 79,504 na regular na botante, sinundan ng Ilocos Sur na may 17,439, La Union na may 17,093 at Ilocos Norte na may 13,471.
Para sa 15 hanggang 17 age group naman, nakapagtala ang Pangasinan ng 37,368; Ilocos Sur na may 9,739; La Union na may 8,107; at Ilocos Norte na may 7,064.

Sa isang virtual forum, sinabi ni Atty. Jujee Deinla, Election Officer ng San Fernando City, naabot ang nasabing bilang dahil nagsagawa ang iba’t ibang municipal at Provincial office ng COMELEC ng maraming paraan upang maabot ang mga botante para sa darating na barangay at SK elections sa pamamagitan ng on-site registration sa mga paaralan at mall sa buong rehiyon.
Sinabi pa ni Deinla, na magkikita umano ang mga election registration board sa March 6 upang aprubahan o ididis-apruba ang mga natanggap na aplikasyon kung saan sa March 30 naman malalaman ang kabuuan at pinal na listahan ng mga botante sa rehiyon.
Samantala, ayon naman kay Atty. Marino Salas ang Election Supervisor ng COMELEC Pangasinan, naging maganda ang naging turnout ng registration kung saan nalampasan ng komisyon ang target ng 70,000 na indibidwal sa naganap na registration period.
Sa buong Pangasinan, kahit isang Chartered City ang Lungsod ng Dagupan ay nanguna pa rin ito sa listahan na may pinakamataas na naitalang bagong registrants kung saan mayroon itong 8, 008 na indibidwal at bukod dito ay sinundan ito ng mga bayan at Lungsod ng Urdaneta, Malasiqui, San Carlos City, Alaminos City, Sta. Barbara, Bolinao, Umingan, Mangatarem at Bayambang. |ifmnews
Facebook Comments