Halos 2-Libong Pamilya sa Isabela, Nananatili sa mga Evacuation Centers!

Cauayan City, Isabela- Umabot na sa bilang na 1,734 na pamilya o tinatayang nasa 8,480 na mga indibidwal ang nananatili sa mga evacuation centers sa Lalawigan ng Isabela.

Batay sa ipinalabas na report ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), mula sa bayan ng Delfin Albano ang may pinakamaraming evacuees na umaabot sa bilang na 4,813 o 1,037 na pamilya.

Nasa 45 na barangay pa rin ang lubog sa baha na kinabibilangan ng Brgy Santa Barbara, Baculud, Fugu, Batong Labang, San Vicente, Camonatan, Guinatan, Alingigan 2nd, Marana 2nd at Bagumbayan sa City of Ilagan, Brgy Ragan Norte, Ragan Almacen, Rizal, Calinaonan Sur, San Patricio, Quibal, San Andres, at Vicitacion sa bayan ng Delfin Albano, ang Brgy Pilig Alto, Pilig Abajo, Casibarag Norte, Balasig, Anao, Catabayungan, at Centro sa Cabagan at ang Sitio Pantalan Brgy Moldero, Fugu Sur, Fugu Norte, Fugu Abajo, Tungui, Santa Catalina, Minanga, Pilitan, Ballug, Ugad, Lanna at Sisim Abajo sa bayan ng Tumauini.


Lubog rin sa baha ang dalawang barangay sa Lungsod ng Cauayan na kinabibilangan ng Brgy Sipat at District 1 habang sa bayan naman ng Sta Maria ay ang mga barangay San Rafael East, San Rafael West, Quinagabian, Mozzozin Sur at Mozzozin Norte.

Wala na rin kuryente sa ilang mga apektadong lugar dulot ng nararanasang pagbaha sa Lalawigan.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang pagpapatrolya ng mga otoridad sa mga nabahang lugar at pagtulong sa pamimigay ng mga relief goods sa mga evacuees.

Facebook Comments