Halos 2-M indibidwal, apektado ng pananalasa ng Bagyong Paeng

Pumalo na sa 590,990 pamilya o katumbas ng 1,953,814 mga indibidwal ang naapektuhan ng hagupit ng Bagyong Paeng.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga nabanggit na indibidwal ay mula sa mahigit 5,000 barangay sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, Regions 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12, CARAGA, BARMM, CAR at NCR.

Sa nasabing bilang 83,243 pamilya o 309,218 na mga indibidwal ang pansamantalang sumisilong sa mahigit 4,000 evacuation centers habang ang nasa halos 700,000 katao ay mas piniling makituloy muna sa kanilang mga kamag-anak.


Sa ngayon, lubog pa rin sa baha ang 554 mga lugar mula sa naturang mga rehiyon kung saan nakapagtala rin ng landslide at storm surge.

Samantala, umaabot naman sa 29,067 pamilya o 105,000 mahigit na indibidwal ang sumailalim sa preemptive evacuation at nasa 158 syudad at munisipalidad ang nasa ilalim na ngayon ng state of calamity.

Facebook Comments