Halos 2 milyong pasahero, naserbisyuhan ng libreng sakay ng MRT-3

Umaabot sa 1,934,424 na pasahero ang naserbisyuhan ng Metro Rail Transit o MRT-3 sa kanilang programang ‘Libreng Sakay’.

Ito’y sa loob lamang ng isang linggo mula nang simulan ang program mula noong March 28 hanggang April 3, 2022.

Sa datos ng MRT-3, pinakamaraming naitalang pasahero ay noong April 1, 2022 o araw ng Biyernes na pumalo sa 309,225 na pasahero.


Mas mataas ito ng 19.4% kumpara noong nagsagawa ng pre-Libreng Sakay noong March 25, 2022 na nasa 258,989 sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager at Director for Operations Michael Capati, inasahan na nila ang pagdagsa ng mga pasahero matapos ibaba ang alert level system sa Metro Manila bunsod ng COVID-19.

Aniya, kaya nang magpatakbo ng nasa 22 train sets sa kasagsagang ng peak hours bunsod na rin ito ng tagumpay na rehabilitasyon ng MRT-3.

Patuloy rin ang ginagawang nilang pagmimintina ng upgraded subsystems kabilang na rito ang riles, signaling, power, rolling stock, at mga pasilidad.

Matatandaan na ang naturang programang ‘Libreng Sakay’ ay bahagi ng pagtatapos ng malawakang rehabilitasyon ng MRT-3 at bilang tulong na rin para maibsan ang hirap na nararanasam ng pasahero lalo na ngayong tumataas ang presyo ng petrolyo.

Facebook Comments