Halos 200,000 Moderna COVID-19 vaccines na binili ng private sectors, posibleng masayang lamang kapag hindi pa magamit

Posibleng masira lamang ang nasa 200,000 doses ng Moderna COVID-19 vaccines na binili ng mga private sector sakaling hindi pa ito magamit.

Ito ang inihayag ni University of Santo Tomas Hospital Pediatric Infectious Diseases Specialist Dr. Benjamin Co kasunod ng nalalapit na expiration ng mga bakuna sa Nobyembre 27.

Ayon kay Co, nakaimbak lamang sa mga warehouse ang mga biniling bakuna na dapat sana ay nakalaan para sa kanilang mga empleyado.


Aniya, karamihan kasi sa mga ito ay nakatanggap na ng bakuna mula sa kani-kanilang mga Local Government Units (LGU).

Dahil dito, iminungkahi ni Co na gamitin na lang ang mga bakuna sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 dahil mayroon na ring Emergency Use Approval (EUA) para sa mga kabataan ang nasabing brand ng bakuna.

Sinabi naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na ang mga bakunang ito ay pwedeng gamitin sa mga anak ng private sector employees para maiwasan ang pagkasayang ng bakuna.

Facebook Comments