HALOS 2K NA PULIS SA ILOCOS REGION, PROMOTED SA ISINAGAWANG SIMULTANEOUS OATH-TAKING, DONNING AT PINNING NG RANGGO NG PRO1

Hindi bababa sa 1,897 pulis ang na-promote sa Ilocos Region at nanumpa noong Martes sa Ilocos Police Regional Office (PRO-1) sa San Fernando City, La Union.
Sa isinagawang simultaneous oath-taking, donning at pinning ng ranggo sa mga pulis sa rehiyon ay na-promote ang mga tauhan ng pulisya na binubuo ng 206 na Police Commissioned Officers (PCOs) at 1,691 Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) na nakatalaga sa iba’t ibang regional headquarters, police provincial offices at city at municipal police units, kabilang ang mga personnel na nakatalaga sa mobile forces.
Siyam ang na-promote sa Police Major, 182 sa Police Captain at 15 sa Police Lieutenant. Para sa mga PNCO, walo ang na-promote bilang Police Executive Master Sergeant, 70 sa Police Chief Master Sergeant, 129 Sa Police Senior Master Sergeant, 239 sa Police Master Sergeant, 637 sa Police Staff Sergeant at 608 sa Police Corporal.

Sa naging mensahe ni PRO-1 Director, Police Brigadier Gen. John Chua, ipinaalala nito sa mga bagong promoted na pulis, na ang kanilang promosyon ay hindi nangangahulugan ng higit na awtoridad, ngunit nagpapahiwatig ng mas maraming responsibilidad at kontribusyon sa organisasyon ng Philippine National Police (PNP).
Dagdag pa niya, habang tumataas umano ang kanilang ranggo ay bunga umano nito ng kanilang mga tungkulin. Nanawagan din ang opisyal sa mga nakakatandang pulis na magsilbi sanang gabay ang mga ito sa kapwa pulis at maging mabuting halimbawa para sa kapakanan ng komunidad. |ifmnews
Facebook Comments