Halos 3-M Pilipino, nananatiling hindi bakunado sa Region 4A

Doble kayod ngayon ang pamahalaan para maabot ang target na 77 milyong mga Pilipino na fully vaccinated bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Vaccination Operations Center Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na maraming lugar pa sa bansa ang nirarampa nila ang bakunahan.

Kabilang dito ang Region 4A na pinakamalaking area sa buong Pilipinas na mayroon pang 2.7 milyong mga Pinoy ang hindi pa nababakunahan partikular sa bahagi ng Quezon Province.


Maliban dito, nasa 1.7 milyon pa rin ang unvaccinated sa Region 7, 1.5-M sa Region 3, 1.4-M sa Region 5 at 1.3-M unvaccinated sa Region 12.

Pangunahing dahilan pa rin kung bakit hindi tinatangkilik ang bakuna sa nabanggit na mga rehiyon ay dahil sa bumababa ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Binigyang-diin ni Cabotaje ang kahalagahan ng pagbabakuna lalo pa’t nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 at mga subvariant nito.

Facebook Comments