
Nagpalabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permits para sa 268 na bus na biyaheng Sapang Palay galing Fairview.
Ito ay matapos ipag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez na bigyan ng special permits ang mga bus para makadaan sa NIA Road sa Quezon City.
Ayon kay Lopez, malaking ginhawa ito para sa mga commuter, lalo na sa mga senior citizen at persons with disability (PWD) na mananakay, partikular sa mga sasakay ng MRT-3.
Dagdag pa ng kalihim, siya mismo ang nakaranas ng hirap ng mga commuter dahil sa pag-iba ng sakayan at babaan.
Bagama’t puwedeng magsakay at magbaba ng pasahero sa NIA Road, pinagbabawal pa rin ang pagte-terminal o pagtambay ng mga bus sa lugar.
Dahil dito, magdedeploy ng tig-apat na Philippine Coast Guard (PCG) personnel at Land Transportation Office (LTO) traffic enforcers sa lugar upang tiyaking hanggang tatlong minuto lamang ang pamamalagi ng mga bus sa NIA Road.
Papayagan naman ang mga bus sa NIA Road tuwing rush hour, ngunit posible pa rin itong magbago depende sa magiging assessment sa susunod na buwan.









