
Nasa P3,966,000 na halaga ng high grade marijuanaang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon sa BOC, naging kaduda-duda ang kargamento na idineklarang Handcrafted Artificial Flower tulad Rosas, Jasmine, at iba pang bulaklak.
Idinaan ito sa physical examinations at dito na nakita ang high grade marijuana na nasa higit 2.6 kilo ang timbang at nakalagay sa apat na vacuum-sealed plastic pouches.
Hindi naman pinangalanan pa kung sino ang consignee o tatanggap ng iligal na droga at kung saan bansa ito nanggaling.
Nasa pangangalaga naman ng PDEA ang mga kinumpiskang high grade marijuana kung saan pinasalamatan ni Customs Commissioner Bien Rubio ang kanilang tauhan at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa naging hakbang para mapigilan ang pagpasok ng droga sa bansa.