Halos 4 sa kada 10 Filipino senior citizen, nakakaranas ng depresyon lalo ngayong pandemya

Tinatayang nasa 34% hanggang 40% ng mga may edad 60 pataas ang nakakaranas ng depresyon.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Clinical Psychologist Dra. Camille Garcia na mas matindi ang risk ng depression at suicidal rate kapag tumuntong na ng senior.

Ito ay dahil aniya sa mas matinding kalungkutan na nararanasan ng mga senior citizens lalo na kung nag-iisa na lang sa buhay, dagdag pa ang pagbabawal sa kanilang lumabas dahil sa pandemya.


“Siguro dahil kasi yung mga senior citizens ngayon, nakaranas na before ng, sabihin na natin katulad ng giyera, so alam nila kung gaano kahirap yung naranasan before, what more kung itong pandemic na ito, talagang naa-isolate sila, kailangan nasa loob ng bahay so kung ano-ano ang pwedeng maisip nila,” ani Garcia.

“Mas marami silang negative thoughts kaya ang tendency po talaga ay magkaroon sila ng depresyon.”

Kaya payo ni Dra. Garcia, mahalaga na may napaglilibangan ang mga senior citizens gaya ng pagbabasa, paggamit ng adult coloring book, paglalaro ng crossword puzzle, paghahalaman gayundin ang pangangamusta ng kanilang mga pamilya at kaanak.

Una rito, sinabi ng internal medicine and geriatrics expert na si Dr. Marc Abat na lumala ang kalungkutan ng mga Pilipinong senior citizens ngayong panahon ng pandemya.

Facebook Comments