Halos nasa 400,000 na pamilya sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nakalaya na sa kahirapan.
Sinabi ni Director Gemma Gabuya, 4Ps National Program Manager ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nasa kabuuang 4.4 milyong Pilipino sa buong Pilipinas na nagpasailalim sa 4Ps, inaasahan na may 1.3 milyon na ang non-poor o nakalaya na sa kahirapan pero ito ay isinailalim pa sa masusing validation.
Sa pag-validate ng DSWD, lumilitaw na halos 400,000 pa lang ang tiyak na magtatapos na sa programa.
Ang ilang pamilya kasi ay inabot din ng pandemya at ibang kadahilanan kaya’t hindi pa makakapagtapos pa sa 4Ps.
Nilinaw rin ni Gabuya, hindi dahil sa graduate na sa 4Ps ang isang pamilya ay tapos na ang tulong na makukuha sa gobyerno.
Ang mga Local Government Unit (LGU) ang magpapatuloy sa pagbibigay ng sustainable livelihood program at tuloy-tuloy ang training sa kanila para hindi mawala ang nakamit na estado ng paglaya sa kahirapan.