Halos 42-M mga Pilipino, nag-apply para makakuha ng National ID

Umaabot na sa mahigit 41.97 milyong mga Pilipino na ang nag-apply para makapagparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) upang makakuha ng National ID.

Sinabi ito ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua sa briefing sa Senado ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) ukol sa proposed 2022 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Chua noong Setyembre 3, ang nasabing bilang ng mga Pinoy ay natapos na sa step 1 ng pagproseso ng pagpaparehistro kung saan sila ay kinuhaan ng mga demographic data o impormasyon.


Binanggit ni Chua na mayroon ding isinagawang pagkolekta ng datos na door-to-door sa mga low-income households at mayroon din naman online.

Aniya, nasa mahigit 28.6 milyong mga Pilipino naman ang natapos na sa step 2 ng pagpaparehistro kung saan pupunta ang mga aplikante sa registration center para sa biometrics.

Pahayag ni Chua, mahigit 1.5 milyong mga Pilipino na ang nakatanggap ng kanilang National ID.

Target naman ng gobyerno na makapagrehistro ang 70 milyong mga Pilipino bago matapos ang taon.

Facebook Comments