Halos 5 Libong Katao na Lumabag sa ECQ, Naitala ng PNP Isabela!

Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa limang (5) libong katao ang mga nahuling lumabag sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine ng PNP Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ni PCapt. Frances Littaua, WCPD at PIO ng Isabela Police Provincial Office, pinakamarami sa mga nahuli ng kapulisan ay mga lumabag sa curfew hour na may bilang na 3,020 na sinundan ng mga lumabag sa social distancing at hindi pagsusuot ng face mask.

Nasa bilang na 577 naman ang mga nahuli sa pagsusugal at pag-iinom ng alak na mahigpit na ipinagbabawal sa Lalawigan ng Isabela habang nasa 242 naman ang mga inaresto dahil sa pamamasada ng traysikel.


Ang kabuuang bilang na 4, 954 ay nahuli ng iba’t-ibang hanay ng kapulisan sa Lalawigan mula nang ipatupad ang ECQ noong Marso 17, 2020 hanggang Abril 18, 2020.

Nananawagan ang pamunuan ng IPPO na sumunod sa mga alituntunin ng ECQ, huwag pasaway bagkus ay makipagtulungan para malabanan ang COVID-19.

Facebook Comments