Halos 50% ng private health workers, wala pang COVID-19 benefits

Halos kalahati pa ng mga private health workers ang hindi pa rin nakatatanggap ng kanilang COVID-19 response benefits at allowances.

Sabi ni Jao Clumia, tagapagsalita ng Private Health Workers Alliance of the Philippines, hindi pa kasi nailalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para rito ayon sa pakikipag-usap nila sa ilang opisyal ng Department of Health (DOH).

Noong nakaraang linggo matatandaang sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, patuloy silang nakikipagnegosasyon sa DBM para sa karagdagang pondo para sa One COVID Allowance (OCA) ng mga healthcare worker.


Ayon naman sa DBM, kung mareresolba ng DOH ang deficiencies sa documentary requirements ay agad nilang ilalabas ang pondo.

Samantala sabi ni Clumia, maraming healthcare workers na ang napilitang mag-resign at maghanap ng ibang trabaho habang ang iba ay nag-abroad dahil sa mababang pasahod sa Pilipinas.

Maging si Philippine Nurses Association (PNA) President Melvin Miranda ay aminadong hindi pa natatanggap ng mga nurse ang mga benepisyong ayon kay Pangulong Bongbong Marcos ay naibigay na.

Facebook Comments