Halos 500 libong botante para sa BSK Elections, iniimbestigahan

Binubusisi ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang bilang na 498,000 mga botante na nagparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) Elections.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na sa bilang na ito ng mga nagparehistro natukoy na 120,000 ang nakitang may double registration.

Karamihan aniya ay mga lumipat na ng tirahan at hindi nabura ang dati o luma nilang registration.


Sinabi pa ni Laudiangco na pitong libong kaso na ang inihahanda nila at ito ay pirmado na at maisusulong na para preliminary investigation.

Kaugnay nito, ngayong araw ay mayroon silang nationwide special election registration board meeting.

Sa pamamagitan nito, tatanggalin ang lahat ng mga double registrant, mga lumipat ng tirahan at mga namatay na.

Masusundan pa aniya ito ng panibagong paglilinis sa listahan sa July 27 para pagsapit ng October 30 ay talagang malinis na ang listahan ng mga botante.

Ang mga mapatutunayang sinadya ang dobleng pagpaparehistro ay sasampahan ng kaso na may katapat na anim na taong pagkakakulong at perpetual disqualification sa anupamang pwesto sa gobyerno.

Facebook Comments