Halos 5,000 empleyado ng PGH, inaasahang magpapabakuna

Halos 5,000 na mga empleyado ng Philippine General Hospital (PGH) ang inaasahang magpapabakuna.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni UP-PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na batay sa huling tala, umabot na sa higit 4,000 ang nagparehistro na bumubuo sa halos 70% ng kanilang empleyado.

Inaasahan ding madagdagan pa ang nasabing bilang habang papalapit ang mismong petsa ng pagbabakuna.


Giit ni del Rosario, malaking tulong sa pagkuha ng kumpiyansa ng mga empleyado ang puspusang information drive na ginagawa ng PGH.

Bagama’t wala pang ibinababang pahayag ang Department of Health (DOH) kaugnay sa bilang ng maaaring bakunahan, target ng PGH na mabakunahan ang lahat ng kanilang empleyado kabilang ang mga nasa kategoryang job-order.

Sa ngayon, patapos na ang ginagawang preparasyon ng PGH sa mangyayaring vaccination program kung saan ang nasa huling yugto na ng training ang mga nurse na magbibigay ng bakuna.

Facebook Comments