Halos walo sa bawat 10 Pilipino ang nangangambang sila o mga kakilala nila ay maging biktima ng extrajudicial killings o EJK.
Batay sa fourth quarter 2018 survey ng Social Weather Stations (SWS), 78% ang nagsabing nangangamba sila, 22% ang hindi.
Mas maraming respondents ang nangangamba sa Visayas na may 83%, kasunod ang Metro Manila (79%), Mindanao (78%) at balance Luzon (75%).
Lumabas din sa survey na kalahati sa mga Pilipino o katumbas ng 50% ng mga respondents ang naniniwalang mga mahihirap lamang ang nabibiktima ng EJK, 3% naman ang nagsabing mayayaman ang madalas na biktima ng EJK habang 48% ang nagsabing walang pinipiling estado ng buhay ang EJK.
Sa kabila nito, nasa 71% ng mga Pinoy ang nagsasabing seryoso ang administrasyong resolbahin ang EJK problema sa bansa, 11% ang hindi habang 17% ang undecided.
Isinagawa ang survey mula December 16 hanggang 19, 2018 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,440 adult respondents sa buong bansa.
Nabatid na inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging marahas ang kampanya kontra ilegal na droga kung saan sa huling tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ay pumalo na sa 5,176 na namatay.