Arestado ang isang negosyanteng Chinese at kasama nitong Filipino matapos makuhaan ng ilang libong mga hindi awtorisadong COVID-19 test kits sa entrapment operation sa Navotas City.
Ayon kay PNP Chief, Police General Debold Sinas, matapos silang makatanggap ng reklamo mula sa Food and Drug Administration (FDA) dahil sa ilegal na pagbebenta ng unregistered COVID-19 Rapid test Kit ay ikinasa ng mga tauhan ng Quezon City District Field Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine Air Force intelligence at Navotas Police Station ang entrapment operation.
Dahil ito naaresto sina Liset Lo Kaw, 40-anyos isang Chinese at isang Christian Casanova, 23-anyos isang Pinoy sa operasyon sa Brgy. San Rafael Village, Navotas City.
Nakuha sa kanila ang 7,700 unauthorized COVID-19 test kits na aabot sa mahigit isang milyong piso ang halaga at marked money na P436,000.
Sa ngayon, nahaharap na ang dalawa sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 in relation to FDA Circular No. 2020-016 o ang prohibition of Online selling of FDA Certified COVID-19 Antibody Test Kit.
Paalala naman ni Sinas sa publiko na maging mapagmatyag at agad na i-report sa mga awtoridad ang mga suspicious online transactions para hindi makabili ng mga hindi awtorisadong produkto na posibleng magdulot ng kapahamakan sa kalusugan.