Halos 8k COVID-19 test kits na binili sa Pharmally ng PS-DBM, nag-expire lang

91

7,925 na COVID-19 test kits na binili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management sa Pharmally Pharmaceutical Corporations ang nasayang dahil nag-expire na agad.

Ito ang ibinunyag ni Senator Francis ‘’Kiko’’ Pangilinan sa ikawalong pagdinig ngayong araw ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa pagbili ng hinihinalang overpriced pandemic supplies ng gobyerno sa kompanyang Pharmally.

Sa nabanggit na test kits ay mahigit 371,000 ang COVID-19 tests na pwedeng maisagawa.


Dahil dito ay labis ang panghihinayang ni Pangilinan dahil para nagsunog lang ng pera ang pamahalaan sa gitna ng napakaraming namamatay dahil COVID-19.

Hindi rin matanggap ni Pangilinan ang ikinatwiran ni Health Secretary Francisco Duque na ang nasayang na test kits ay 3.6 percent lamang ng total costs ng testing.

Nabatid sa pagdinig na agad nasira o nag-expire ang mga test kits na idineliver ng Pharmally dahil anim na buwan lang ang shelf life sa halip na 24 hanggang 35 months.



Paliwanag naman ni Duque, hanggang 6 months lang talaga ang shelf life na ginagawa ng mga manufacturers dahil wala pang linaw noon kung ano ang magiging takbo ng sitwasyon na dulot ng COVID-19.

Facebook Comments