Halos 90 Ektaryang Lupa sa Isabela, Target Patamnan ng Puno ni RD BGen. Nieves sa Kapulisan

*Cauayan City, Isabela- *Nais patamnan ni PBGen. Crizaldo O. Nieves, Regional Director ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang halos 90 ektaryang tree planting sites mula sa mga bayan ng Quezon at St. Maria, Isabela.

Ang lugar ay naaprubahan na ng DENR at bilang tugon sa pagkakakalbo ng kagubatan sa rehiyon, at para maibsan ang epekto ng climate change.

Inihayag ito ni Gen. Nieves sa naganap na tree planting activity ng Regional Command kasabay ng kanilang pakikiisa sa selebrasyon ng National Women’s Month ngayong buwan ng Marso.


Ayon pa kay RD Nieves, isinasagawa aniya ng kapulisan ang pagtatanim ng puno upang malabanan ang illegal logging sa Cagayan Valley na lalong nagpapalala ng mga pagbabaha sa rehiyon at sa mga probinsiya.

Ipinag-uutos din ni BGen. Nieves na bawat pulis ay dapat makapagtanim ng limampung (50) piraso ng puno bago ito mapromote sa serbisyo.

Posible umano itong magawa dahil napakalawak ng mga DENR-approved tree planting sites na kung saan 80 hectares dito ay tatamnam sa bayan ng Quezon at pitong ektarya naman sa Brgy. Naganacan, Sta. Maria, Isabela.

Kaugnay nito, inatasan rin ng pinuno ang bawat himpilan ng pulisya na kung sakaling nakapagtanim na sa mga nasabing lugar ay kinakailangang mabisita ang mga naitanim na puno upang masigurong nabuhay at matagumpay ang tree planting activity ng kapulisan sa rehiyon.

Facebook Comments