Target ng administrasyong Marcos ang Public-Private Partnership (PPP) sa mga imprastraktura.
Ayon kay Finance Sec. Benjamin Diokno, nasa 88 hanggang 89 na malalaking proyekto ang pwede nang simulan sa ilalim ng PPP.
Pero hindi tinukoy ni Diokno kung ano-anong mga proyekto ito.
Ngunit tiwala ang kalihim na mahihikayat ang pribadong sektor na mamuhunan dito dahil na rin sa Public Services Act.
Sa ilalim ng bagong batas, pinapayagan ang 100 percent na pagmamay-ari ng mga dayuhan sa ilang industriya gaya ng telco, tollways, shipping at iba pa.
Sa paraang ito aniya ay mababawasan ang gagastusin ng gobyerno sa mga proyekto na pakikinabangan ng mga Pilipino.
Dagdag ni Diokno, hindi lang ito sa national level maging sa lokal dahil mayroong ilang local government unit (LGU) partikular ang mga lungsod na may pera para pumasok sa ganitong arrangement.