PNP ALICIA, MAYROON NG GABAY SA PAMAMARIL-PATAY SA ISANG GURO

Cauayan City, Isabela- Mayroon nang sinusundang gabay ang Alicia Police Station kaugnay sa pagbaril-patay sa isang guro sa La Fortuna Brgy. Paddad, Alicia, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Francis Pattad, hepe ng PNP Alicia, kasalukuyan aniya ang kanilang masusing imbestigasyon sa pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa biktimang si Samuel BJ Santiago, 37 taong gulang, guro at residente ng Purok 7, La Fortuna Village, Paddad, Alicia.

Una rito, bago ang insidente, dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang huminto sa harapan ng bahay at tinawag ang pangalan ng biktima.

Lumabas ng bahay ang biktima upang tingnan ang nagtatawag sa kanya subalit nang siya’y makalabas ay bigla na lamang siyang pinagbabaril ng maraming beses sa katawan ng mga suspek.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang krimen habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima subalit binawian na ito ng buhay.

Ayon pa sa Hepe, meron na silang tinitignang anggulo na dahilan ng pagbaril sa biktima at ito aniya ang kanilang pinag-aaralan at kasalukuyang sinisiyasat para sa ikalulutas ng nasabing insidente.

Facebook Comments