Halos Kalahating Bilyong halaga ng Pigalo Bridge, Pasisinayaan na Bukas!

Matapos ang halos walong taon na paghihintay ay nakatakda nang pasinayaan at bubuksan sa publiko ang isa sa pinakamahabang tulay sa Lalawigan ng I sabela.

Aabot sa halos kalahating bilyong piso ang ginugol ng pamahalaan upang maipatayo ang mega all weather bridge sa bayan ng Angadanan, Isabela na nag-uugnay sa bayan ng San Guillermo na bahagi pa rin ng Build Build Build program ng Pamahalaan.

Sa nakuhang kaalaman ng 98.5 iFM Cauayan kay Cong. Jose “Bentot” Panganiban, nasa 478 million pesos ang halaga ng naturang tulay na may habang limang daang metro.


Magugunita na taong 2011 nang sirain ng magkasunod na bagyong Pedring at Quiel ang dating Pigalo Overflow Bridge kaya’t ilang taon din nahirapan ang mga magsasaka sa paglalabas ng kanilang mga produkto patungo sa kabayanan.

Taong 2017 nang pasimulan ang nasabing proyekto matapos na ilapit ito ng mga kongresista ng Isabela sa pangunguna nina Cong.Jose Panganiban at Napoleon Dy sa tanggapan ng Pangulo matapos na hindi maisakatuparan sa panahon ng nakaraang administrasyon.

Bukas, Hunyo 6, 2019 ay pangungunahan ni kalihim Mark Villar ng DPWH ang pagpapasinaya sa nasabing proyekto.

Inaasahan naman na muling babalik ang sigla ng kalakalan sa bayan ng San Guillermo at Angadanan, Isabela dahil sa nasabing proyekto.

Facebook Comments