Ipinagtanggol ni dating SPO3 Arthur Lascañas ang mga testimonya noon ni Davao Death Squad self-confessed hitman Edgar Matobato.
Ayon kay Lascañas, limitado lang kasi ang alam ni Matobato bilang isang “foot soldier” at ang iba ay bunga lang ng pag-aakala nito sa mga pangyayari.
Normal din aniya ang ilang pagkakamali nila sa eksaktong petsa ng mga pagpatay nila dahil wala naman talagang record ang mga iligal nilang hakbang noon.
Kung susumahin aniya, 90 percent ng mga sinabi ni Matobato sa senado ay pawang katotohanan.
Ilan sa mga insidenteng may malaking papel sina Lascañas at Matobato ay ang mga kontratang pagpatay na inutos ni dating mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw din nitong hindi lahat ng miyembro ng DDS ay pumapatay pero alam nilang kay P-Duterte nagmumula ang mga instruction.
Paliwanag pa ni Lascañas, kaya siya nagsinungaling noong nakaraang taon sa senate hearing ay dahil natatakot siya sa kanyang buhay lalo na sa mangyayari sa kanyang pamilya.