Naniniwala ang halos lima sa bawat 10 Pilipino na may malala pang darating sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 47% ang nagsabing may malala pang darating, 44% ang naniniwalang natapos na ang pinakamalalang hatid ng pandemya habang 8% ang walang sagot.
Lumabas sa survey na pinakamarami ang nagsabing darating ang malalang sitwasyon ng COVID-19 ay ang mga respondent mula sa Visayas (54%), kasunod ang Metro Manila 50%), Mindanao (48%), at Balance Luzon (43%).
Karamihan din sa nagsabing “the worst is yet to come” ay mga college graduates (53%), kasunod ang junior high school graduates (49%), elementary graduates (40%), at non-elementary graduates (37%).
Nasa 49% ng nagsabing lumala ang kanilang kalidad ng buhay nitong nakalipas na 12 buwan ay nagsabing may malala pang darating, habang 51% na nagsabing gumanda ang kanilang buhay ay nagsabing nagdaan na o natapos na ang “worst scenario.”
Ang survey ay isinagawa mula May 4 hanggang 10, sa 4,010 working-age Filipinos sa buong bansa na may edad 15-anyos pataas sa pamamagitan ng mobile phone at computer-assisted telephone interview.