Cauayan City, Isabela- Inilapit ng isang nagngangalang ‘Jessa’ ang kanyang karanasan matapos maloko ng illegal recruiter.
Isa lamang umano si Jessa at kanyang mister na nabiktima ng illegal recruitment at natangay ang nasa halos P500 milyong piso para sana sa kanilang pangingibang bansa.
Sa panayam ng iFM Cauayan sa kanya, taong 2019 pa ng huling makatransaksyon ng kanyang mister ang suspek na si Norma Bunnao,may asawa at residente ng Barangay Simayung, Abulug, Cagayan na itinuturing na Top 1 sa listahan ng mga Wanted Person sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon pa sa biktima, nais lang nilang maibalik ang perang nakuha sa kanila dahil malaking bagay sana ito upang makatulong sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.
Samantala, kasalukuyan ng ibinibyahe papunta sa court of origin ang suspek matapos itong maaresto kamakailan ng isilbi ang warrant of arrest laban sa kanya.
Sa hiwalay na panayam ng iFM Cauayan kay PMAJ. Norly Gamal, hepe ng PNP Abulug, marami umanong naloko ang suspek hindi lamang sa Isabela kundi maging sa Ilocos Region at sa labas ng Metro Manila.
Batay sa ulat ng pulisya, napag-alaman mula sa suspek na mayroon pa itong dalawang kasamahan at ang isa sa mga ito ay si Romelita Ordoño na naaresto na limang taon na ang nakararaan samantalang inaalam pa ng pulisya kung nasaan ang isa pang suspek na nagngangalang Wilma Villamor na sinasabing tumatayong ‘boss’ ni Norma.
Hindi pa umano tiyak na maibabalik ang pera ng mga nabiktima ng illegal recruitment matapos magsara ang agency.
Sinabi pa ng hepe na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang mga iba pang posibleng nabiktima ng illegal recruiter para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.