Halos P9 billion, ipahihiram ng Japan sa Pilipinas para sa pagtugon sa COVID-19

Magpapahiram sa Pilipinas ang gobyerno ng Japan ng aabot sa 20-billion-yen o katumbas ng 8.78 bilyong piso na gagamitin ng bansa para sa pagtugon sa COVID-19.

Sa inilabas na pahayag ng Japan’s Embassy to the Philippines, sinabi nito na ang pondo ay sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ngayong June 2021 sa ilalim ng Post-Disaster Stand-by Loan (PDSL) Phase 2.

Layon naman nitong tulungan ang Pilipinas lalo na sa mga aspeto ng testing, pagpapalawak ng quarantine facility, Social Amelioration Program (SAP) para sa mga mababang sektor at ang epekto ng muling pagsailalim ng ilang lugar sa Pilipinas sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Ang pag-apruba sa tulong pinansiyal ay resulta ng naganap na summit teleconference ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Japanese Prime Minister Yoshihide Suga nitong Miyerkules.

Sa ngayon, ito na ang ikatlong tranche ng naipalabas na pondo sa PDSL 2 na una nang nilagdaan nitong September 15, 2020 at babayaran sa loob ng 40 taon at may grace period na 10 taon at fixed interest rate na 0.01% kada taon.

Facebook Comments