
Nababahala si Senator Ping Lacson na maaaring makaapekto sa mga residente ng Pag-asa Island ang planong debate tungkol sa Kalayaan Island Group (KIG).
Naniniwala si Lacson na walang saysay ang iminumungkahing debate ni Senator Rodante Marcoleta hinggil sa pag-aari ng Pilipinas sa KIG, at maaari itong makaapekto sa pangunahing karapatan sa paninirahan ng mga Pilipinong naroroon.
Umapela ang senador sa mga hinahamon ng debate, kabilang sina retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at Marine Law expert at UP professor Atty. Jay Batongbacal, na huwag nang makilahok sa debate.
Iginiit ni Lacson na huwag nang idamay ang mga kababayan sa Pag-asa, KIG, at Palawan sa posibleng pinsalang dulot ng walang kabuluhang debate na maaari pang kumwestyon sa kanilang karapatan sa paninirahan.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang KIG ay pag-aari ng Pilipinas batay sa kinikilalang prinsipyong legal na “res nullius”, kung saan ang sinumang makadiskubre at sumakop sa isang lupain ay kikilalaning may-ari nito.










