
Para kay House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, nakakabahala at “out of line” o wala sa hulog ang mga pahayag ni Sagip Party-list Rep. Paolo Henry Marcoleta kaugnay sa West Philippine Sea (WPS).
Reaksyon ito ni De Lima sa post ni Congressman Marcoleta sa kanyang facebook page na kung sakaling giyerahin tayo ng Tsina ay ihelera sa harap ng bakbakan ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) ukol sa isyu ng West Philippine Sea at ang mayayabang na Senador para sila ang unang lumusob o kaya ay sila ang ibala sa kanyon.
Bunsod nito ay nananawagan si De Lima sa mga mambabatas, at sa lahat ng ating mga lider at kapwa Pilipino, na magkaisa sa pagtatanggol sa kung ano ang atin at kasama dito ang ating West Philippine Sea.
Ayon kay De Lima hindi natin dapat kampihan ang dayuhan na nambubully, nanghaharass sa ating mga kababayan, at nang-aangkin ng teritoryo.
Diin ni De Lima, hindi pag-uudyok ng gera ang pagtatanggol sa ating pambansang dangal, karapatan at soberanya na kinikilala at pinagtitibay ng international law.










