Hindi pinatulan ni Vice President Sara Duterte ang hamon sa kanya ng ilang mambabatas na mag-resign sa pwesto.
Sa harap ito ng kabiguan ng Pangalawang Pangulo na dumalo sa pagdinig ng Kamara sa panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.
Sa kanyang press conference, iginiit ni VP Sara na hindi siya sasagot sa ‘Young Guns’ at sa halip ay kailangan niyang sumagot sa 32 million na bumoto sa kanya.
Aniya, hindi sa isa o dalawang tao lamang ang nagluklok sa kanya sa pwesto.
Sinabi pa ni VP Sara na hindi siya aalis sa pwesto dahil nilagay siya ng mga tao na naniwala na maglilingkod siya sa bansa.
Sa usapin naman ng pagkikita nila ni dating Vice President Leni Robredo sa Naga City, Camarines Sur, sinabi ni VP Sara na hindi lamang si Ginang Robredo ang ex-vice president na kanyang dinalaw.
Aniya, sa katunayan, ang ex-VPs na lamang na hindi niya nabibisita ay sina dating VP Jejomar Binay at Noli de Castro.
Nagpapakilala aniya siya sa mga ito at nararapat lamang aniya na suportahan nila ang mga ito kung kailangan nila.
Samantala, naglabas din ng dokumento ang OVP hinggil sa unauthorized solicitation letter na binigay umano ni dating Department of Education o DepEd executive Gloria Mercado sa isang kumpanya kung saan humihingi ito ng P16 million.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit pinaalis si Mercado sa DepEd.