Hamon ni Albayalde sa Anakbayan: Sabihin kung nasaan ‘yung mga nawawalang anak’

Hinamon ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde na sagutin ng Anakbayan ang paratang ng mga magulang ng mga estudyanteng ni-recruit umano ng naturang militanteng grupo.

Ito ay matapos silang dumalo sa pagdinig ng Senado para humingi ng tulong sa ginawa umano ng ‘makakaliwang grupo’ sa kanilang mga anak nitong Miyerkules ng umaga.

Sa ginanap na press conference sa Camp Crame nitong Huwebes, iginiit ni Albayalde na dapat ipaliwanag ng Anakbayan kung nasaan at anong nangyari sa mga batang hindi pa rin umuuwi sa kani-kanilang pamilya.


“Ito ang sinasabi ko, bakit hindi nila sagutin ‘yung mga allegations o sinasabi ng mga magulang? Bakit kami ang sinasabi nila? Bakit kami ang may sala dito? Hindi po kami,” pahayag ng PNP Chief.

“Sagutin nila ‘yung mga magulang, hindi ‘yung sinasabi nila always in general, pakana na naman ito ng gobyerno, ng AFP (Armed Forces of the Philippines) at saka PNP… bakit di nila sagutin isa-isa ‘yung sinasabi ng mga magulang kahapon? ‘Yun ang challenge natin sa kanila, sagutin nila at sabihin nila nasaan ‘yung mga anak ng magulang na umiiyak at nagdadalamhati?” dagdag pa niya.

Nababahala din si Albayalde na baka nasa bundok na ang mga nawawalang bata at madamay sa sinasabi umanong engkuwentro sa pagitan ng AFP-PNP at mga rebelde.

Aniya, “sasabihin na naman nila it’s a human rights violation”.

Inilarawan niya na maari ito maging kapareho ng kaso ng isang estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), na kasama sa mga nasawi sa gitna ng bakbakan ng New People’s Army (NPA) at militar noong nakaraang buwan.

Nitong Agosto 1, kinasuhan ng PNP ang ilang miyembro ng Anakbayan na itinuro ng nanay ng mag-aaral na si Relissa Lucena na umano’y nag-recruit sa kaniyang supling.

Facebook Comments