Hamon ni Bishop Bacani kay PRRD, isang malaking kalokohan – Malacañang

Manila, Philippines – Kahibangan ang turing ng Palasyo ng Malacañang sa hamon ni Novalichez Bishop Emeritus Teorodo Bacani Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang reaksyon ng Malacañang sa hamon ni Bacani na tulad nilang mga obispo ay dapat maglakad din si Pangulong Duterte ng walang security na nakapaligid dito upang ipakita ang kanyang tapang.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, gustuhin man ng Pangulo na tanggapin ang hamon na ito ay kailangan ding sundin ni Pangulong Duterte ang security protocol upang matiyak ang kanyang kaligtasan lalo pa’t humaharap ang bansa sa maraming problema.


Sinabi pa ni Panelo na hindi na kailangan pang patunayan ni Pangulong Duterte ng kanyang katapangan dahil kahit noong alkalde palamang ito ng Davao City ay magisa itong nagiikot sa lungsod at naghahanap ng mga criminal habang nagkukunwaring taxi driver.

Baka din aniya hindi alam ni Bacani ang ginawang pag-substitute ni Pangulong Duterte sa isang hostage incident para lamang mapakawalan ang isang biktima.

Binigyang diin pa ni Panelo na dapat ay nag-iisip muna ang obispo bago ito magsalita upang hindi ito mapahiya.

Facebook Comments