Hanapbuhay ng 3 Kargador na Dinukot sa Isabela, Tinututukan ng NBI!

Cauayan City, Isabela- Tinututukan at iniimbestigahan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang patungkol sa hanapbuhay ng 3 kargador na dinukot kamakailan sa Brgy. Sta. Rita, Aurora, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Provincial Head ng NBI Isabela Timoteo Rejano, patuloy ang kanilang pagkalap ng impormasyon at pakikipag-ugnayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) upang maimbestigahan at maresolba ang naturang kaso.

Aniya, nagkaroon ng pag-uusap kahapon ang kanyang grupo kung saan magpapatawag sila ng mga tao na maaaring makapagbigay ng impormasyon sa pagkawala nina Gil Gazzingan, Alfredo Francisco at Joseph Allisan na pawang taga Cauayan City, Isabela.


Gumawa na rin ng action plan ang kanilang mga imbestigador para sa pag-imbestiga sa naturang kaso at isa na rito sa kanilang gabay ang itsura ng mga suspek na inilarawan ng mga naiwang kasamahan ng mga nadukot.

Mag-dalawang Linggo nang nawawala ang tatlong biktima mula nang dukutin sa Brgy. Sta. Rita at isinakay sa puting van ng mga armadong kalalakihan.

Dagdag pa ni Rejano, nakakapagtaka aniya ang nangyaring insidente dahil wala namang masamang record sa kanilang lugar ang mga biktima maging sa PNP.

Naniniwala ito na dinudukot lamang ang isang tao kung mayroon itong kinasasangkutang kaso.

Nananawagan naman ito sa mga kamag-anak na huwag mawalan ng pag-asa lalo’t wala naman aniyang mabigat na nagawang kasalanan ang mga nadukot na kaanak at kanyang tiniyak na gagawin ang kanilang makakaya upang maresolba sa lalong madaling panahon ang naturang insidente.

Facebook Comments