Hand, foot and mouth disease, kumakalat na sa bansa ayon sa isang infectious disease expert

Bahagyang kumalat na ang mga kaso ng hand, foot and mouth disease sa bansa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante na bukod sa naitalang 105 na mga kaso sa San Pascual, Batangas nitong Oktubre kung saan karamihan ay nasa edad isa hanggang 16 na taong gulang.

Mayroon ding naitalang 155 cases sa National Capital Region (NCR) mula October hanggang ngayong Disyembre, karamihan ay 11 taong gulang pababa.


Maliban dito, sinabi ni Solante na nakitaan din ng kaso sa Albay nitong Nobyembre sa bilang na 540 sa mga batang isang taong gulang hanggang 10 taong gulang.

Aniya, ito ay patunay na lumalawak na ang pagkalat ng hand, foot and mouth disease.

Sa kabila nito, sinabi ni Solante na ang 155 na naitalang kaso sa Metro Manila ay hindi pa sapat para magdeklara na ng outbreak.

Paliwanag niya, nagdedeklara lang ng outbreak kung ang naitatalang kaso ay higit pa sa 100%.

Ginagamit din aniyang batayan ng deklarasyon ng outbreak ang lagay ng mga ospital o kung napupuno na ito ng mga kaso ng alin pa mang partikular na sakit.

Ayon kay Solante, ang hand, foot and mouth disease ay isang impeksyon na dala ng dalawang virus.

Tumitira aniya ito sa isang infected person subalit naidudumi naman ito.

Gayunpaman, nakukuha aniya ito ng mga bata kung nahawakan nila ang isang bagay na una nang hinawakan ng isang taong may impeksyon nito at kumain nang hindi naghuhugas muna ng kamay o kaya ay naihawak ang kamay sa mga mata kung saan pwedeng pumasok ang virus.

Ilan aniya sa mga sintomas ng hand, foot and mouth disease ay lagnat, rashes sa bibig at katawan, panghihina ng katawan habang ang iba ay nagkakaroon ng komplikasyon sa utak o ang tinatawag na meningitis.

Kaya naman payo ni Solante sa mga bata at mga magulang na ugaliing maghugas lagi ng kamay bago kumain.

Facebook Comments