Manila, Philippines – Handa ang pamahalaan na isuko sa Amerika si Janet Lim Napoles kaugnay ng kaso nitong money laundering sa US.
Ayon kay Justice secretary Menardo Guevarra , may dalawang opsiyon ang Pilipinas sa extradition ni Napoles sa Amerika dahil na rin sa kasong kinakaharap nitong kaso sa Sandiganbayan.
Una, maaari aniyang pansamantalang isuko ng Pilipinas si Napoles sa US para litisin sa kaso niya doon depende sa kung anong mga termino at kondisyon ang mapagkakasunduan ng dalawang bansa.
Pangalawa, maaring ipagpaliban ng Pilipinas ang extradition proceedings kay Napoles hanggang hindi natatapos ang kaso nito sa Sandiganbayan o hanggat hindi napagsisilbihan ang sentensya sa sandaling ibaba ang hatol.
Ang kamag-anak naman ni Napoles na nasa Pilipinas at walang kinakaharap na kaso dito ay agad isasailalim sa extradition proceedings
Kung sila naman aniya ay nasa US na, maari na silang arestuhin ng US authorities.