Tinutulan nina Senators Grace Poe at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang nais ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB na i-regulate ang content o mga palabas sa online platforms katulad ng Netflix, iflix, at Amazon Prime.
Ayon kay Poe, na dating Chairperson ng MTRCB, counterproductive at ‘ridiculous’ ang hangad ng MTRCB lalo’t wala itong sapat na mga tauhan at resources para mag-evaluate sa lahat ng programa sa online.
Paliwanag ni Poe, bagama’t mandato ng MTRCB ang magtakda ng klasipikasyon ng mga palabas ay may mga pagkakataon na dapat nitong hayaan ang self-regulation.
Giit naman ni Drilon, hindi praktikal ang nais ng MTRCB lalo pa at libo-libo na ang ipinapalabas na shows sa streaming platforms.
Wala rin aniyang magagawa ang MTRCB sa mga virtual private networks na nagbibigay pahintulot sa mga internet users na magkaroon ng access sa content mula sa ibang bansa.
Ikinakalungkot ni Drilon na hindi na nakawala ang MTRCB mula sa censorship na siyang layunin kaya ito binuo noong panahon ng Martial Law.
Tiwala rin si Drilon na matured na ang industriya ngayon at kaya nang mag-self -regulate, katulad ng Netflix na mayroong self-regulation mechanisms na maaaring mas epektibo kumpara sa regulation o classification sa mga palabas sa telebisyon.