" Harassment sa mga Opisyal sa Isabela, ‘Di Tototo"- NBI Director Rejano

Cauayan City, Isabela- Iginiit ni NBI Isabela Provincial Director Timoteo Rejano na isang lehitimong operasyon ang kanilang ginawa matapos umanong ipag-utos ni NBI-2 Regional Director Atty. Gelacio Bonggat ang pagsagawa ng intensive operation laban sa mga illegal operators at sa lahat ng uri ng illegal gambling activities sa buong probinsya.

Ito ang pahayag ni Rejano sa naganap na Joint Hybrid Meeting ng House Committee on Games and Amusement nitong nakaraang lunes, Marso 1.

Giit ni Rejano, nakasaad sa kautusan na may pangha-harass umano na ginagawa ang Provincial Government ng Isabela sa mga kubrador at ‘kabus’ ng SAHARA gaya na lamang ng sinasabing kinokolektahan di umano ng mga LGU ng bet collection ang mga Small Town Lottery (STL) sa kanilang mga nasasakupan.


Kasama rin umano sa sinasabing dahilan ang pinaiiral na lockdown ng mga LGU kahit wala umanong totoong batayan para pigilan ang STL operation sa probinsya.

Ipinag-uutos rin umano ng PLGU ang pagpapasara sa mga STL betting station dahil naman sa paglabag sa kawalan ng kaukulang permit gaya ng building, sanitary at fire inspection permit.

Bukod dito, sinabi pa ni Rejano na sinasabi umano ng SAHARA na ilan sa mga ‘kabus’ nito ang ikinukulong dahil umano sa paglabag sa umiiral na health protocol kahit sumusunod naman umano ang mga tauhan ng kumpanya sa polisiya ng PCSO para sa pag-iwas sa COVID-19.

Ayon pa kay Rejano, ilan lamang ito sa mga basehan kung kaya’t nagsagawa sila ng lehitimong operasyon at base na rin sa naging kautusan ng pangrehiyong director ng NBI region 2.

Inihalimbawa naman ng opisyal ang nangyari sa lungsod ng Cauayan matapos umanong paalalahanan ng NBI Agents ang mga tauhan ng POSD dahil sa panghuhuli ng mga ito ng bet collector kahit na walang sapat na kapangyarihan para gawin ang nasabing panghuhuli dahil na rin sa kawalan ng police power.

Itinanggi ni Rejano ang alegasyon na may pangha-harass na ginawa ang kanyang mga tauhan.

Samantala, sa bayan naman ng Tumauini ay may dalawang (2) katao ang nahuling nagpapataya ng illegal na jueteng.

Iginiit pa nito na sinusunod lang nila ang umiiral na pagpapatupad ng health protocol hindi lamang sa mga tauhan ng SAHARA maging sa publiko.

Samantala, iginiit naman ni 1st Isabela District Congressman Antonio ‘Tonypet’ Albano na mayroon umanong magkakasalungat na pahayag si NBI Director Rejano at sinasabing posibleng pinapaboran umano nito ang pamunuan ng SAHARA.

Samantala, hindi naman itinanggi ni NBI RD Bonggat ang naging kautusan sa pagpapatupad ng intensive operation laban sa mga illegal operators at lahat ng uri ng illegal na sugal.

Magpapatuloy naman ang pagdinig sa usapin ng illegal umanong operasyon ng STL sa ilalim sa Sahara Gaming and Amusement Corporation.

Ang kumpanyang SAHARA ang siyang nabigyan ng prangkisamula sa PCSO upang magsagawa ng operasyon ng STL sa lalawigan.

Facebook Comments